Pagpapalit
Madalas ang dali lang sa atin ang magpalit ng mga bagay-bagay. Mabilisang pagpapalit ang ating ginagawa. Nagpapalit tayo ng damit, bumibili ng bago para sumunod sa uso. Nagpapalit tayo ng DP sa Facebook para alam nila ang bagong hitsura mo. Magpapalit ng cellphone para may Wi-Fi. Magpapalit ng laptop para mas mabilis. Magpapalit ng crush para mas kiligin. Magpapalit ng kaibigan dahil kailangan. Ang hindi lang madali sa pagpapalit ay yung mga bagay na ipinagpapalit.
Ilang buwan na ba ako sa konseho? Ilang buwan ko na bang ipinagpalit ang mga magulang ko para dito? Ilang buwan ko na bang ipinagpalit ang mga lunch at dinner dates with my friends para dito? Tama bang ipinagpalit ko ang labor day rally sa planning ng konseho? Tama bang ipinagpalit ko ang walong oras na tulog kada araw sa pagbantay sa opisinang laging kinakatok? Ilang buwan ko na bang ipinagpalit ang hobby ko ng pagbabasa sa pagtytype ng minutes ng konseho? Ang sarap sana tumira sa mundong wala kang kailangang ipagpalit.
Minsan, gusto kong maniwalang wala naman akong ipinagpalit. Gusto kong maniwala na pinagsasabay ko lang silang lahat. O kung meron man akong ipinagpalit ay tama ang aking desisyon. Ngunit minsan ay hinaharap ako ng mga kontradiksyon. Papalit-palit tuloy ang isip ko sa mga bagay na dapat kong ipagpalit.
Sana wala na lang opportunity cost sa lupa ng Peter Pan economics. Sana wala na lang konsepto ng pagpapalit o kaya naman ay trade-offs. Sana pala hindi ko na lang kayo ipinagpalit. Hindi rin.
Sapat ng malaman ko na kahit ipinagpalit ko kayo ay nandyan pa rin kayo. Hindi ako ipinagpalit.
Popularity: 3% [?]



